Thursday, November 24, 2016

EUKARISTIYA: PASASALAMAT





Ano nga ba ang Eukaristiya?

Ang Eukaristiya ay…

P-AGDIRIWANG- ang pamamaraan ng pagtitipon ay sa pamamagitan ng pagdiriwang dala- dala ang kagalakan sa bawat puso dulot ng kaligtasang natanggap.  Ang Eukaristiya at lahat ng gawaing pang-liturhiko ay pagdiriwang ng Misteryo- Paskwal  ang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ay pagdiriwang ng kaligtasan ng sangtinakpan (salvation history celebrated).

A-LAALA- Ang pagdiriwang ng Eukaristiya ay pag- alaala sa gawang mapangligtas na ginanap ni Jesus doon sa krus.  Noong Huling Hapunan, ibinilin ni Jesus na gawin nila ang pagdiriwang na iyon (Eukaristiya) bilang pag- alala sa Kanya. Ang Eukaristiya ay pag- alala sa bilin ni Jesus.  Isang aklamasyon ang nagsasabi, “Sa tuwing aming kakanin ang tinapay na ito at iinumin ang alak na ito ay ipinapahayag namin ang iyong pagkamatay at muling pagkabuhay hanggang sa iyong muling pagbabalik.” Ang pag- alala na ating ginagawa sa tuwing ating ipagdiriwang ang Eukaristiya ay hanggang sa muling pagbabalik ni Jesus. Sapagkat sa ating patuloy na pag- alala sa ginawang pagliligtas ni Jesus, ang bunga at biyaya ng pagliligtas nito ay patuloy nating tinatanggap walang labis, walang kulang.

S-AKRIPISYOAng Eukaristiya ay isang sakripisyo. Una, ito ay sakripisyo ni Jesus. Ang pagkamatay ni Jesus sa krus ay sakrispisyo. Pinabanal ni Jesus ang nakahahabag na kamatayang walang kapara. Pinalitan ni Jesus ng bagong diwa ang krus hindi na ito simbolo ng kahihiyan, ito na ngayon ay simbolo ng KALIGTASAN.  Pangalawa, ang Eukaristiya ay sakripisyo ng sambayanan.  Ang buhay na punung- puno ng hamon at paghihirap mismo ng sambayan ang sakripisyong dala- dala sa harap ng Dambana ng Panginoon. Anumang dala- dala ng sambayanan na sakripisyo ay pinagiging-banal at umaabot sa Ama sa pamamagitan ni Jesus at sa pagkilos ng Espiritu Santo sa kanyang Simbahan.

A-LAY- Ang pagdiriwang ng Eukaristiya ay isang sakripisyong iniaalay patungo sa ama sa pamamagitan ni Jesus. Si Jesus ang tunay na tagapag- alay sapagkat isinasakay lamang ang alay ng sambayanan sa gawang pag- aalay ni Jesus sa Ama.  Si Jesus ang tunay na tagapag- alay sa katauhan ng pari na nangunguna sa pagdiriwang.  Sa bisa ng binyag, nabahaginan ang sambayan ng ministeryo ni Jesus bilang Pari, Propeta, at Hari.  Nakapag- aalay ang sambayanan taglay ang maka-paring ministeyo ni Jesus.  Ang alak at tinapay na buhat sa lupa at ubas at bunga ng paggawa ay tanda ng pagbabalik at pag- aalay sa kagandahang- loob ng Diyos bilang pinagmulan ng lahat ng mga biyaya.  Ang tinapay at alak na inialay ay nagiging katawan at dugo ni Jesus bilang pagkaing nagbibigay-buhay at inuming nagkakaloob ng kanyang Espiritu. Tunay ngang “Kapuri- puri ang Poong Maykapal ngayon at kailanman.”  Ang Eukaristiya ngayon ay pag- aalay ni Jesus sa Ama at pag- aalay ng Sambayanan sa kanyang tagapagtatag patungo sa Ama. (Mediator Dei 25)

S-AMBAYANAN- Ang Eukaristiya ay biyaya ng Diyos sa Sambayanan at patuloy namang ginaganap ng Sambayanan ang Eukaristiya bilang pag- alala sa gawang mapangligtas ni Jesus.  Ang Eukaristiya ay sakripisyong iniaalay ng Sambayanan.  Ang Sambayanan ang pangunahing tanda ng presensya ng Diyos sa sanlibutan. “Kung may dalawa o tatlo na nagkakatipon sa aking pangalan, naroroon ako sa piling nila.”  Ang Diyos ay nananahan sa kanyang sambayanan.  Sa tuwing magtitipon ang Sambayanan sa pangalan ni Jesus upang makinig sa Kanyang Salita at magpira-piraso ng tinapay sa Eukaristiya, ang presensya ng Diyos ay namamalas.  Ang Sambayanang binubuo ng banal at makasalanan, ng mga mahirap at mga mayaman, ng mga nagagalak at nahahapis, ng mga sugatan at magaling, ito ang bayang tinawag ng Ama upang maging “Buhay na sambayanan ng mga alagad ni Kristo na nagkakaisang nagsasabuhay ng Salita ng Diyos at pinaghaharian ng katarungan, kalayaan, kapayapaan at pagmamahalan.”

A-lagad- Ang Eukaristiya ay buhay pagsunod kay Jesus. Ang patuloy na pagsasama- sama ng sambayanan sa Eukaristiya ay pagtupad sa mandato o utos ni Jesus na “magmahalan” at sa pagmamahalan makikilala ng mundo na tayo ay mga alagad ni Jesus. Ang Eukaristiya ay nagdadala sa atin upang tayo ay maging mga alagad.  Ang Eukaristiya ay pagdiriwang ng pagmamahal. Kung kaya, tayo ay tinatawagan na maging alagad ng pagmamahal.  Ang tunay na nagmamahal sa Eukaristiya, kay Jesus mismo ay alagad na sumasaksi na may isang “Diyos na nagmamahal”.

L-ingkod- Ang sumasamba kay Jesus sa Banal na Eukaristiya ay nagpapamalas ng kapakumbabaan.  “Ang sinuman sa inyo ang ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. Ang sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang pagsilbihan kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.” Si Hesus noong Huling Hapunan ay nagpamalas ng kapakumbabaan sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa ng mga apostol. Ang bilin ni Hesus “Maghugasan kayo” ay tanda na ang lahat ay inaanyayahan na maging lingkod ng kapwa. Ang pusong nag- aalab sa pagmamahal sa Eukaristiya ay naglilingkod kung papaanong ang nagmamahal sa Diyos ay nagmamalasakit sa kapwa.  Ang pinakasukdulan ng paglilingkod ni Jesus ay ang ialay niya ang kanyang sarili sa krus tulad ng pag- aalay ng sarili para sa isang kaibigan.

A-GAPAYAN- Ang Eukaristiya ay buklod ng pagmamahal at bukal ng pagkakaisa.  Ang turingan ng sambayanang nagdiriwang ng kaligtasang tinanggap buhat kay Kristo ay pagkakapatiran.  Ang sambayanang binuklod bilang isang tinapay at isang katawan ay nag-aagapayan.  Iisang salita ang pinapakinggan at iisang tinapay ang pinagbabahaginan kaya’t nararapat lamang na mag- agapayan. Walang nakalalamang sapagkat ang bawat isa ay kapatid kay Kristo at tayong lahat ay mga anak ng Diyos. Bilang magkakapatid at bilang isang pamilya, iisang damdamin ang namumutawi na nagbubunsod ng pag-aagapayan.  Pag- aagapayan ang lengwahe ng sambayanang sumasamba kay Kristo sa Eukaristiya.

M-ISYON- Ang Eukaristiya ay hindi lamang umiikot sa loob ng simbahan. Matapos makinig sa Salita ng Diyos buhat sa Altar ng Salita at magpira- piraso ng tinapay sa Altar ng Eukaristiya, ang sambayanang tinatawag sa paglilingkod ay isinusugo sa Altar ng Buhay para magmisyon. Ang Misyon, matapos tanggapin si Jesus sa Banal na Eukaristiya ay maging tinapay para sa iba, kagalakan sa nalulumbay, katarungan sa naaapi at maging kanlungan ng kanyang bayang sawi. Ang pangunahing misyon ng bawat isa ay maipadama at maipakilala na may isang Diyos na nagmamahal.

A-KSYON- Ang pagdiriwang ng Eukaristiya ang nagtutulak sa bawat isa upang gumawa ng mabuti sa kapwa.  Ang pagmamahal na naranasan sa Banal na Eukaristiya ay nagdadala sa atin upang magmalasakit. Ang panampalataya ay patay kung walang kalakip na gawa.  Ang malalim nating debosyon sa Banal na Eukaristiya ay dapat may katumbas na aksyon o pagkilos at konkretong naipapakita sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa kapwa lalong higit sa nangangailangan, ang mga mahihirap, ulila, may kapansanan, mga inaapi at mga inabandona ng kanilang mahal sa buhay.  Sila ang “maliliit na kapatid ni Jesus” na malimit nating binabalewala at pinapalampas.  Sa kanila, ang debosyon natin ay nagiging ganap at makatotohan kung sila ay ating pagmamalasakitan.

T-IPAN-   Ang pagdiriwang ng Eukaristiya ay isang tipanan sa pagitan ng Diyos at ng sambayanan.  Ang Diyos na patuloy na nangangako na laging sasaatin at ang sambayanang nagpapahayag ng kanyang pagiging tapat sa kanyang pangako na sinumpaan sa binyag ay nagtatagpo.  Ang Diyos na mahabagin at maawain at ang sambayanang patuloy na naglalakbay patungo sa kaganapan ng buhay ay pumapasok sa isang tipanan sa tuwing ipagdiriwang ang Banal na Eukaristiya. Ang Eukaristiya ay isang tipan ng pagmamahal.  Ang Diyos na nagmamahal at ang sambayanang sumisinta sa kanyang Maykapal ay nagtatagpo sa Eukaristiya sa pamamagitan ni Kristo na Diyos na totoo at taong totoo. Siya mismo ang Tipan ng Diyos at tao, ang tipan ng pagmamahal.



 Ang Eukaristiya ay pasasalamat. Ito ay isang PAGDIRIWANG bilang pag- ALALA sa SAKRIPISYOng inALAY ni Kristo sa Ama para sa ikaliligtas ng  SAMBAYANAN na tinatawag upang maging ALAGAD at LINGKOD na mag- aAGAPAYAN at sa pamamatnubay ng Espiritu Santo ay dala- dala ang MISYONg ipakilala na may Diyos na nagmamahal sa pamamagitan ng AKSYONg punung- puno ng pagmamalasakit at nagpapahayag ng katapatan sa binyag na tinanggap bilang isang TIPAN. Ito ay isang P-A-S-A-S-A-L-A-M-A-T.








No comments:

Post a Comment